Tuesday 26 February 2013



Pampamahalaang Pamantasan ng Mariano Marcos
KOLEHIYO NG EDUKASYONG PANGGURO
Lungsod ng Laoag





                                                  MASUSING BANGHAY ARALIN SA
PAGTUTURO NG FILIPINO BAITANG 7




Setyembre 2012





Inihanda ni:
SHERYL A. DOMINGO





Ipinahanda ni:
PROF. LILYBETH C. AGNO



Isang Masusing Banghay-Aralin 
sa Filipino Ikapitong Baitang
  1. Mga Layunin
Matapos mailahad ang iba’t ibang bahagi ng tula, ang mga mag-aaral sa ikapitong baitang ay inaasahang:
1. mabasa nang malakas at madamdamin ang bahagi ng tula;
2. maibigay ang kahulugan ng mga salita sa tulong ng context clue;
3. makasagot sa mga tiyak na tanong tungkol dito;
4. masuri ang tula at matukoy ang mga sangkap na nagamit dito;
5. mabigyang halaga ang kasiningan at kabuluhan ng tulang binasa ayon sa pansarili; at
6. makabuo ng isang payak at masining na paglalarawan.

  1. Paksang Aralin
Kasanayan: Pagsusuri sa Tula
Lunsaran: Salamin ni Assunta Cuyegkeng
                  Mga Sanggunian: Internet, Gabay ng Guro sa Pagtuturo ng Filipino sa Baitang 7
      Mga Kagamitan: salamin (mirror), tsart, litrato ng bawat mag-aaral noong bata pa
sila at ang pinakabagong litrato nila
      Teknik sa Paglinang Komprehensyon: Ugnayang Tanong Sagot
                  Iba Pang Teknik na Gagamitin: Fish bone organizer

 

  1. Bago Bumasa

    Gawaing Guro                                                   Gawaing Mag-aaral


  1. Pagganyak

Mayroon akong inihandang salamin.
Sino ang may gustong tumingin sa
kanyang sarili sa salamin?
Ma’am! (Magtataasan ng mga kamay
ang mga mag-aaral)

Ok, Mark!
(Kukunin ni Mark ang salamin.)

Ngayon Mark, maaari mo bang ilarawan
ang sarili mo base sa nakikita mo sa salamin?
Matangos po ang aking ilong, makinis ang aking balat sa mukha, katamtaman lang ang laki ng aking mga mata, ma’am.
Magaling Mark!
Sino pa ang may gustong maglarawan
sa kanyang sarili?
Ma’am!
Ok, Gelie!
Base po sa aking nakikita sa salamin, katamtaman ang laki ng aking ilong ganoon din ang aking mga labi ngunit manipis ang aking kilay, ma’am.
Magaling din, Gelie!
Hindi ba’t mayroon tayong iba’t ibang
taglay na hugis sa ating katawan?
Opo, ma’am!
Sino pa ang may gustong magbahagi?
Oops! Nararamdaman ko na may gusto
kang ibahagi Annei?
(Titingin sa salamin) Ako po’y kulot ngunit cute dahil ako’y maliit gayon din ang aking mukha.
Cute ka nga Annei!
Hindi man tayo cute, lahat naman tayo’y
magaganda’t gwapo.
Sang-ayon ba kayo?
Opo, ma’am!
Ano naman ang gamit ng salamin sa atin?
Jessa?
Ma’am para sa akin, importante ang gamit nito. Dito ko makikita ang aking pisikal na taglay.
Mahusay, Jessa!
Mayroon bang karagdagan, Gen?
Ma’am bawat indibidwal ay mayroon nito, kaya masasabi ko na isa ito sa mga gamitin ng tao. Kung ako po, dito ko tinitingnan ang aking nais na makita sa aking sarili. Kung ako ba’y maayos o hindi.
Napakahusay, Gen!
Ngayon naman, basahin natin ang isang tula.
Alamin natin kung paano ginamit ng may-akda ang
salamin para mailarawan ang kanyang sarili.
2. Paghawan ng Balakid

Ngunit bago natin ito basahin, linangin muna
natin ang mga salitang mahirap maunawaan na
nakapaloob sa tula.
Basahing mabuti ang bawat pangungusap.
Mayroong mga ginulong titik sa ibaba nito na
kasingkahulugan ng nasalungguhitan. Kapag naaayos na
ang mga titik ay maaari nang ilapat sa inihanda kong
cross-word-puzzle.

  1. Nagkaroon ng pekas si Maria dahil sa kanyang
sabong pampaputi.
  • tmaans gn khaum - mantsa ng mukha
2. Ang dibdib ko’y kumakabog tuwing nakikita
ko ang aking crush.
  • nbakaaikahn -kinakabahan
3. Mahalaga sa akin ang aking mga mangingibig.
  • halmmagnaa -nagmamahal
4. Lumalaki ang kanyang mga mata, sisipatin niya
ang aking mukha.
  • gmapasadma -pagmamasdan
5. Ang kanyang ilong ay retoke.
  • keep -peke
6. Ang mga magkakaibigan ay nagmamasid sa sakahan.
  • ngaitiitt -tititigan
7. Tatapatan niya ako ng baril.
  • aaahipnrh -haharapin


3. Pagbibigay ng Pangganyak na Tanong

Bago pa man din simulan ang pagbabasa
sa tula, mayroong mga tanong sa pisara na magiging
gabay ninyo sa pagbabasa.
Pansinin ang mga salitang “titingin,”
magmamasid” at “sisipatin”. Ano ang
pagkakaiba ng bawat isa? Bakit ang mga ito ang
ginamit na salita sa akda?

B. Habang Bumabasa
  1. Unang Pagbasa sa Tula
Ngayon, mayroon akong kopya ng akdang
Salamin” na nakasulat sa manila paper. Hayaan
muna ninyong ako ang unang bumasa sa tula nang
malakas at madamdamin upang madama natin
ang gustong ipahiwatig nito.
(Babasahin ng guro ang tula sa harap
ng klase)
2. Ikalawang Pagbasa sa Tula

Ngayon, nabasa ko na ang tula. Bibigyan ko
naman kayo ng pagkakataon upang basahin ito.
Ang unang saknong ay babasahin ng unang pangkat.
Ang ikalawang saknong ay para sa ikalawang pangkat.
Ang ikatlong saknong ay para sa ikatlong pangkat.
At ang pang-apat ay para sa huling pangkat.
Basahin ito nang malakas at madamdamin.
(Babasahin ng mga mag-aaral ang tula.)
3. Pagtatalay-Estetiko

Alam kong hindi na bago sa inyo ang tula.
Ano na nga ba ulit ang pinakamahalagang sangkap
ng tula?
Ang dalawang pinakamahala-gang sangkap ng tula ay ang sukat at tugma, ma’am.
Tama. Ano ba ang tinatawag na sukat ng tula?
Ang sukat ang siyang tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod ng tula.
At sa mga tradisyunal na tula, ang sukat ay
maaaring aanimin, pipituhin, wawaluhin, lalabing-
dalawahin, lalabing-animin o lalabing-waluhin.
Ngunit sa kasalukuyan, palasak ang tulang mala-
yang taludturan o ang tulang walang isinasaalang na
bilang ng pantig sa taludtod. Ang mga tradisyunal na
tula ay may sesura. Ano na nga ba ulit ang tinatawag
na sesura?


Ang sesura ay ang bahagyang pagtigil sa pagbasa o pagbigkas ayon sa hinihingi ng diwa sa isang taludtod.
Magaling. Sa tulang may sukat na lalabing-
dalawahin, ang sesura ay bumabagsak sa ika-6 na
pantig. Ano naman ang ikalawang sangkap?
Ang ikalawang sangkap po ng tula ay ang tugma.
Ano ba ang tugma sa isang tula?
Ang tugma po ay tumutukoy sa pagkakasintunugan ng huling salita ng mga taludtod.
Magaling. Mayroon ding dalawang uri ng
tugma sa patinig, ang tugmang ganap at tugmang
karaniwan. Ano ba ang pagkakaiba ng dalawa?
Sa tugmang ganap po ay magkasintunog at magkakatulad ang diin at tuldik sa huling pantig ng dulong salita ng bawat taludtod samantalang sa tugmang karaniwan, ang huling pantig ng dulong salita ng bawat taludtod ay magkakatulad ng tunog ngunit magkakaiba sa diin.
Mayroon ding tinatawag na tugmang katinig
sa panulaang Filipino at ito’y nahahati sa dalawang
pangkat. Ang una ay binubuo ng mga katinig na b, k,
d, g, p, s, at t at ang mga ito’y magkakasintunog ayon
sa patinig na nasa unahan. Ang ikalawang pangkat
naman ay binubuo ng mga katinig na l, m, ng, r, w, at y
at magkakapareho ang tunog ayon sa patinig na nasa
kanilang unahan.
Mayroon din tayong tinatawag na larawang
diwa. Ano na ba ulit ito?
Ang larawang diwa ay katumbas ng imagery sa ingles. Ito ang salitang nakapaloob sa tula na kapag binabanggit ay nag-iiwan ng mga tiyak na larawan sa kaisipan.
Tama, pinapatalas din ang ating iba’t ibang pan-
dama; pang-amoy, paningin, pandinig, panlasa at
pandamdam.
Ngayon presko na ang inyong kaalaman tungkol
sa mga sangkap ng tula. Hindi na tayo mahihirapan para
suriin ang tula ni Assunta Cuyegkeng na “Salamin”.
Ang tula bang ito ay ginagamitan ng sukat at tugma?
Hindi po ito ginagamitan ng sukat ma’am. Ito po ay malayang taludturan ngunit mayroong tugmaan.
Tama! Tingnan naman natin ang mga linyang ito
sa tula.





Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
.
.
.
pag-aaralan pati ang mata kong
kape pala ang kulay, hindi itim.

Ngayon, anong uri ng tugma mayroon ang dala-
wang linyang ito?
Ang uri po ng tugmang nagamit sa unang nailahad ay tugmang ganap.
Bakit tugmang ganap?
Ito po ay maiuuring tugmang ganap sapagkat ang huling pantig ng dulong salitang “akin” at “salamin” ay magkasintunog at magkatulad ang diin at tuldik.
Magaling. Sa pangalawa naman. Anong uri ng
tugma ito?
Ang uri ng tugma sa ikalawang nailahad ay maiuuring tugmang karaniwan. Sapagkat ang huling pantig ng dulong salitang “kong” at “itim” ay magkatulad sa tunog ngunit magkaiba sa diin.
Tama, ang “kong” ay binibigkas nang mabilis
samantalang ang “itim” ay binibigkas nang mabagal.
Tingnan naman natin ang linyang ito .

.
.
.
Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
.
.
Anong uring tugma ang ginamit sa mga linyang
ito?
Ginamit po rito ang tugmang katinig dahil ang mga huling dulo ng letra ng salita ay “g” at “d” kung kaya’t ang mga ito’y magkasintunog ayon sa patinig na nasa kanilang unahan, ang patinig na “i”.
Tama. Ang mga pantig “ig” at “id” ang siyang
tinutukoy sa bahaging ito.
Ano naman ang larawang diwa sa tula?
Ang mabubuo ko pong larawang diwa o imahe sa tula ay ang hitsura ng persona.
Magaling! John.



4. Ikatlong Pagbasa sa Tula
Sadya ngang napakaganda ang isang tula kung
ginagamitan ng tugma . Ito man ay malayang taludturan
makikita pa rin natin ang larawang diwa.
At muli, upang mabigyang-buhay ang pagtanggap
natin sa tula at marinig ang kagandahan nito ay sabay-
sabay ninyong basahin nang madamdamin ang tula.
( Babasahin ng mga mag-aaral nang sabay-sabay ang tula)


C. Pagkatapos Bumasa

  1. Pagtatalakay sa Binasa

Nabasa na nga ninyo nang mahusay ang tula
at upang mas maganda ang ating talakayan, gumamit
tayo ng isang istratehiyang magpapatalas sa antas ng
kakayahan ninyo sa pagsagot ng mga tanong sa pag-
unawa sa pamamagitan ng isang sistematikong pagsu-
suri ng mga tanong. Ang tinutukoy kong istratehiya
ay ang “Ugnayang Tanong Sagot.”

(Ipapakita ng guro sa pisara ang halimbawa ng
UTS na modelo)

Sa istratehiyang ito ay may dalawang kategorya
ang tanong at ang mga ito ay “Nasa Aklat” at “Nasa
Isipan.” Ang bawat kategorya ay mahahati pa sa dalawa,
sa hanay ng “Nasa Aklat” ay ang “Nasa Teksto Mismo”
at “Isipin at Hanapin” samantalang sa hanay ng “Nasa
Isipan” ay ang “Ikaw at ang Awtor” at “Sa Aking Sarili”.
Ngayon ay bibigyang-eleborasyon muna natin ang mga
ito nang kaunti. Papaano nga ba natin matutukoy ang
mga sagot sa isang tanong kung ito ay “Nasa Teksto
Mismo?”
Kapag ang sagot po ay nasa teksto at madaling hanapin, ma’am.
Magaling! Ang mga salitang ginamit sa tanong
at ginamit sa pagsagot ay nariyan mismo sa teksto.
Paano naman ang pagsagot sa hanay ng “Isipin at
Hanapin?”
Ang sagot naman po ay nasa teksto ngunit kailangan mong pag-ugnay-ugnayin ang iba’t ibang bahagi ng kwento para makita ang kasagutan nito.
Tama. Samantalang sa “Ikaw at ang Awtor”,
wala sa teksto ang sagot. Kailangang gamitin ang dating
kaalaman at kung ano ang sinasabi ng awtor sa teksto
at pag-uugnayin ang dalawang ito. At ang panghuli,
Sa Aking Sarili”, paano naman kaya ito?
Wala rin sa teksto ang sagot, ma’am. Masasagot lamang ang tanong gamit ang pansariling karanasan.
Tama kayo sa mga naging kasagutan ninyo.
Ngayon mayroong na kayong kaalaman tungkol sa pag-
kakaiba ng mga kategoryang ito. Dumako na tayo sa pag-
sagot sa mga katanungan ko kanina. Ano ang pagkakaiba
ng mga salitang “titingin”, “magmamasid”, at “sisipatin”
sa tula?
Mayroon pong pagkakaiba ang mga salita. Ang kahulugan po ng titingin ay sulyap lamang. Ang sisipatin naman po ay sisilipin, samantalang ang magmamasid ay tumatanaw.
Mahusay! Saan kaya natin maaaring ihanay ang
naging tanong sa mga naibigay na kategorya? At paano
nakuha ang sagot?
Ito po’y nasa hanay na “Ikaw at ang Awtor” sapagkat ang naging sagot po ay wala sa teksto ngunit nabuo ito sa sariling isipan mula sa ideya ng tula na inilahad ng teksto at mula na rin ito sa dating kaalaman.
Oo, tama. Bakit naman kaya ito ang ginamit na
mga salita?
Ito ang ginamit na mga salita para magkaroon ng kaibahan. Maaaring maipahayag sa ating mga mambabasa ang wastong paggamit sa mga salita.
Tama. Saan naman kaya ihahanay ang
tanong?
Naihahanay pa rin po ito sa
Ikaw at ang Awtor”.
Magaling! Sino naman ang nakita sa salamin?
Ang nakita po sa salamin ay ang kanyang kakambal.
Oo. Saan naman maihahanay ang katanungan?
Ito po’y maihahay bilang nasa kategoryang “Nasa Teksto Mismo.” Sapagkat ang naging sagot ay tuwirang nakalahad sa teksto at ang impormasyong nabanggit ay galing pa mismo sa binasa.
Oo. Bakit naman kaya kakambal ang turing
niya dito?
Kakambal po ang turing niya rito dahil sarili niya mismo ang nakikita niya sa salamin.
Magaling. Sa anong kategorya naman natin
maihahanay ang tanong?
Ito po ay nasa hanay na “Isipin at Hanapin” dahil ang sagot po ay nasa teksto mismo ngunit pinag-ugnay-ugnay po ang mga ideya sa tula para makita ang tamang sagot na sarili niya mismo.
Tama. Bakit hindi niya itinuring na “ako”
ang kakambal niya?
Hindi niya itinuring na “ako” ang kakambal niya dahil isa ito sa mga teknik na ginamit sa tula. Para magkaroon ng buhay at larawang diwa ng tula.
Magaling. Sa anong kategorya ito maihahanay?
Sa kategoryang “ Ikaw at ang Awtor” po ma’am.
Oo. Ano naman ang ibig sabihin ng dibdib na
kumakabog? Natutulog?
Ang ibig sabihin po ng dibdib na kumakabog ay parang tumutunog nang malakas at ang natutulog po ay walang tunog.
Oo. Kailan naman kumakabog/natutulog ang
ating dibdib?
Kumakabog po ang aking dibdib kapag ako’y natatakot. Natutulog naman po ito kapag kampante ako sa aking sarili.
Tama. Sa anong kategorya ito maihahanay?
Sa kategoryang “Sa Aking Sarili” sapagkat ang mga nailahad na kasagutan ay wala ng kinalaman sa mga pangyayari sa tula.
Magaling. Ano ang nagtatago sa dibdib ng
persona?
Ang nagtatago po ay ang kanyang mangingibig.
Oo. Sa anong kategorya ito maihahanay?
Ang kategoryang sa “ Teksto Mismo.”
Ano naman ang halaga ng salitang “nagtatago?”
Ang halaga po ng salitang nagtatago ay para maipahayag na lingid itong naipapakita kapag siya ay nananalamin.
Tama. Saan maihahanay ang tanong?
Ang kategoryang “Ikaw at ang Awtor.”
Oo. Babae ba o lalaki ang persona at ilang
taon na kaya siya?
Ang persona po ay isang babae na may edad 30-40 dahil naisasaad sa tula na mayroong “anak,” “linya,” “pekas” ang persona. Nakilala ko po siyang babae dahil nailantad sa tula ang salitang “retoke.”
Tama. Kaya ang tanong ay maihahanay sa “Ikaw
at ang Awtor.”
Ngayon batay sa inyong mga kasagutan, anong
salamin kaya ang tinitingnan ng persona?
Ang salamin po na tinitingnan ng persona ay katumbas sa salitang ingles na mirror.
Magaling! Sa anong kategorya ulit ito maiha-
hanay?
Sa kategorya po ng “Isipin at Hanapin.”
Talagang mayroon na kayong magandang
sandigan upang mapataas pa ang antas ng inyong kaka-
yahan sa pagsagot ng mga tanong sa pag-unawa sa
pamamagitan ng inyong pagsagot. At ngayon, gamit ang
isang fishbone organizer , magbibigay kayo ng mga
salitang nagpapatunay na mirror ang ginamit sa tula.
Ang mga salitang ito ay makikita sa teksto mismo.


  1. Pagpapayamang Gawain
Suriin ang inyong mga sarili. Tingnan
at suriin ang inyong batang larawan at maging ang
pinakabagong litrato na inyong dala. Sumulat ng
isang talatang naglalarawan ng mga pagbabagong
mapapansin ninyo sa inyong sarili.
Pagkatapos, sa inyong pangkat, magbabahagian
kayo ng isinulat. Ang bawat pangkat ay binubuo ng
apat na katao.
Tatawag ako ng ilang pangkat upang ibahagi
sa klase ang kanilang napag-usapan.
Ipasa ang mga talatang naisulat.
Masayang naglalaro, walang problema, ito ang nakita ko sa aking
batang larawan. Nakangiti ako sa bisig ng aking ate. Tuwang-tuwa sila sa aking mga kilos kaya naman lagi nila akong binubuhat. Wala akong pakialam noon kahit na wala akong saplot at kahit na nakatingin lahat ng tao sa aking katawan. Malaya akong gumawa ng mga pambatang gawain.
Samantala, sa litrato ko ngayon ay mayroon na akong mga tigyawat. Tigyawat na naglalarawan ng pagod, puyat, stress, depression at kung anu-ano pang dahilan. Pihikan na rin ako pagdating sa mga damit. Gusto ko iyong katamtaman lang sa aking katawan, hindi bulgar at maayos tingnan kapag isinuot ko. Limitado na rin ang aking paggalaw at asal-dalaga na ako.

  1. Takdang Aralin
Bilang kaugnay sa ating naging liksyon sa araw
na ito, ibibigay ko bilang takdang aralin ang paggawa
ninyo ng tulang may malayang taludturan ngunit
ginagamitan ng tugma at mayroong larawang diwa.
Ang tema ng tulang inyong gagawin ay tungkol
sa pagretoke ng mga tao.

Mito at Pabula


MITO
SI AIREN AT ANG PITONG KULOG


                        Sa isang liblib na bundok sa hilagang bahagi ng Luzon, may mag-asawang ibig na ibig magkaroon ng anak. Sa tuwinaý nag-aalay sila ng handog sa kinikilala nilang Diyos upang hilinging mabigyan sila ng anak. Hindi nga nagtagal, dininig ng Bathala ang kanilang mga panalangin.
                        Isang dapithapon, habang nagsasagawa ng kanilang ritwal ang mag-asawa, nakarinig sila ng kulog – kulog na dumadagundong at lumulukob sa kanila. Maya-maya paý nakita nila ang isang putting ipuipo na nagpaikot-ikot sa kanilang kinalalagyan. Kapagkuwaý bigla itong naglaho at sa mismong pinaglahuan nitoý naroon ang isang malusog na sanggol na lalaki. Nagulat man ang mag-asawa sa kanilang nasaksihan, wala silang pagsidlan ng kaligayahan dahil sa wakas ay dininig ng Bathala ang kanilang panalangin. Kinuha nila ang bata at inuring parang tunay na anak. Pinangalanan nila itong Airen.
                        Mula pa sa pagkabataý malikot na at pasaway ang batang si Airen. Anuman ang naisin nitong gawin ay ginagawa niya nang hindi inaalintana ang payo ng kanyang mga magulang. Batid niyang hindi siya tunay na anak ng mag-asawa at batid niyang mayroon siyang natatanging kapangyarihan. Nagagawa niyang lumipad, napapagalaw niya ang mga puno, nauutusan niya ang hangin – lahat, nagagawa niya dahil hindi siya isang ordinaryong bata.
                        Isang araw, habang siylaý namumundok kasama ang kanyang tatay Teroy, hindi na napigilan ni Airen ang sarili. Dahil sa sobrang pagod na nararamdaman sa kanyang pag-akyat sa bundok, lumipad siya sa paupong posisyon. Nagalit ang kanyang tatay Teroy sa ginawa niya dahil natatakot itong baka may makakita rito na mga mangangaso. Mula noon, hindi nasiya nito isinasama sa pangunguha ng kahoy. Naiiwan na lamang siya sa bahay kasama ang inayBelay niya.
                        Sa bahay naman, inutusan siya ng kanyang inay na manguha ng bunga ng kalabasa sa may likod-bahay. Dahil tinatamad ang batang si Airen, inutusan niya ang hangin na siya na lamang kumuha ng ipinakukuha ng kanyang inay para sa kanya. At ganun nga ang nangyari. Muli, sa kanyang ginawa, nagalit ang inay Belay niya sa kanya dahil napakatamad daw niya.
                        Hindi na napigilan ni Airen ang sarili. Umalis siya ng bahay at naisipang lumayo na lamang dahil pakiramdam niya, para siyang sinasakal dahil hindi man lang niya magawa ang gusto niyang gawin sa kanyang kapangyarihan. Mula noon, mag-isa siyang naglakbay at hindi na bumalik ng bahay.
                        Sa kanyang paglalakbay, nakarating siya sa paanan ng isang mataas na bundok na kilala sa tawag na Bundok Bumagyo. Umakyat siya hanggang sa tuktok niyon sa pamamagitan ng paglipad. Nang makarating doon, nakilala niya ang pitong kulog.
                        “Sino ka?” tanong ng kulog. Ang tinig nitoý parang nagmumula sa kawalan. Hindi niya mawari kung nasaan.
                        “Ako si Airen” sagot niya. “Ikaw, sino ka rin ba?”
                        Tawa ang nagging sagot nito. “Ang lakas ng loob mong magtanong. Hindi mo ba alam na ako ang kinatatakutan ng kahat?”
                        “Hindi kita nakikilala. Pa’no ko masasabing nakakatakot ka kung hindi naman kita nakikita?” Sa sinabing iyon ni Airen, biglang kumulog nang pagkalakas-lakas na halos mabingi na siya sa lakas nito.
                        “Lapastangan! Hindi mo nakikilala ang kinakalaban mo!” Pagkasabi’y biglang kumulog ng pitong beses at kumidlat. Kung hindi siya kaagad nakailag ay baka natusta na nang buhay ang batang si Airen. Dahil sa nangyari, tinapatan niya ang kapangyarihan ng pitong kulog.
                        Inutusan niya ang hangin upang pawiin ang ulap. Subalit, hindi natinag ang maitim na ulap na tumatakip sa kanyang kinalalagyan. Bagkus, lalo pa nitong pinalakas ang kapangyarihan ng pitong kulog.
                        Laking dismaya ng batang si Airen dahil hindi niya napataob ang kalaban. Sa nasaksihan, nakitaan siya ng takot. Kaya naman, nagalak ang pitong kulog dahil sa nakikitang reaksyon ni Airen. Tumawa ang mga ito nang tumawa na parang nang-uuyam.
                        Inilabas ni Airen lahat ng kapangyarihan – lahat ng nalalaman niya. Pinakilos niya ang mga punong nakapalibot sa kanya upang mahawi ang ulap na lumulukob sa kanya. Tinawag niya lahat ng mauutusan niya upang tulungan siya na malupil ang kanyang kaaway, subalit hindi pa rin siya nanalo. Kumidlat at tinamaan ang mga puno at ang mga ito’y nangasunog lahat.
                        Nanlulumong napasalampak na lamang ang batang si Airen. Hindi niya mapigilan ang sariling umiyak dahil sa nararanasan niya. Ang takot niya’y nanunuot sa kanyang kalamnan na humihimay sa munting pag-asang pilit na sumisibol sa kanyang puso.at ang tawa ng pitong kulog ay lumukob sa kanyang katauhan.
                        Maya-maya pa’y isang nakagigimbal at nakabibinging tunog ang narinig. Kapagkuwa’y isang tinig na hindi mawari kung saan nagmumula ang biglang umalingawngaw sa buong lugar.
                        “Itigil na ninyo ‘yan! Ang utos ko sa inyo’y takutin lamang siya,” wika ng tinig sa pitong kulog. “Hindi niyo siya maaaring saktan. Niwala kayong karapatan upang kantihin siya. Dahil siya, ang batang ‘yan ang bugtong kong anak!” umaalingawngaw sa kawalan ang tinig.
                        Sa narinig, napatingala ang batang si Airen. Pagtataka ang bumalatay sa maamong mukha nito. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig, na ang tinig na naririnig niya ngayon ay ang tinig ng kanyang ama.
                        “Ikaw ‘kamo ang aking ama?” tanong ng batang si Airen.
                        “Ako nga Airen, anak ko. Ikaw ay aking ibinigay sa mag-asawang Teroy at Belay dahil sa nakita kong buong puso nilang pananampalataya at paniniwala sa akin. Ikaw ay aking ibinigay sapagkat nais kong maranasan mo rin kung paano mamuhay na gaya ng mga tao upang sa pagmamana mo sa aking trono, alam kong magiging isa kang mabuting pinuno.” Nang-aarok na wika ng tinig. “Subalit, sa aking mga nakita, sa palagay ko’y nabigo ako. Nagkamali nga ba ako sa aking desisyon, Airen? Dahil hindi mo nagawangpatunayan ito sa akin. Paano ko masisigurong magiging mabisa kang pinuno kung hindi ka man lang marunong sumunod sa mga kinikilala mong mga magulang? Na sarili mo lang ang iyong iniintindi?”
                        Napatungo na lamang ang batang si Airen. Batid niyang tama ang sinabi ng kanyang amang Bathala. “Patawad, aking ama. Patawarin mo po ako.” Napapaiyak na wika niya.
                        “Bakit ka sa akin humihingi ng tawad?” At ipinakita sa kanya ang kasalukuyang ginagawa ng mga kinikilala niyang mga magulang – nag-aabang at naghihintay sa kanyang pagbabalik. “Sila, sa kanila ka dapat humingi ng tawad, anak ko.”
                        Sa nakita, bumulahaw ng iyak ang batang si Airen. “Ama ko, kung inyo po akong bibigyang muli ng pagkakataon, ipinapangako ko po na susunod na ako sa kanila. Nalalaman niyo po, hindi ko man po sila tunay na mga magulang, batid niyo po kung gaano ko sila kamahal.”
                        “Kung gayon, anak ko, humayo ka. Bumalik ka sa kanila. Sila’y sabik na sabik na sa ‘yong pagbabalik.”
                        “Opo, aking ama. At salamat pos a pagmulat mo sa akin!” At pagkasabi niyon ay lumipad siya at bumalik sa kanilang bahay. Sinalubong siya ng mahigpit na yakap ng kanyang mga magulang sa sabik na naghintay sa kanyang pagbabalik. Ang batang si Airen ay humingi ng tawad sa kanila at nangakong magiging masunurin na itong anak. –O

WAKAS
























PABULA
SI PARUPARO AT SI BUBUYOG
                                                                                                           

                          Sa isang malawak na hardin, malayo sa kabihasnan, nakatira ang magkaibigang Bubuyo at Paruparo. Mula pa sa pagsilang hanggang sa sila’y lumaki ay sila na ang magkasama. Subalit, lubos silang magkaiba ng ugali. Si Paruparo ay mapagbiro at masayahin, samantala, si Bubuyog ay parang laging seryoso. Kaya naman, hindi maikakatwang higit na kinagigiliwan ng lahat si Paruparo. Dahil ditto, nagkaroon ng luhim nag alit at inis si Bubuyog sa kaibigan niyang si Paruparo.
                        Isang araw, habang naglilibot si Bubuyog sa malawak na hardin, narinig niya ang mga mahinang tawanan sa di-kalayuan. Hindi niya alam kung saan ito nagmula. Lumipad siya nang lumipad hanggang sa makarating siya sa may tabi ng batis. Soon, nakita niya ang kaibigan niyang si Paruparo habang masayang nakikipagkwentuhan sa mga dalagang bulaklak na sina Rosas, Santan, at Yellow Bell. Tawa nang tawa ang mga ito sa mga biro ni Paruparo. Sa nasaksihan, lalong nagalit at nadagdagan ang inis ni Bubuyog sa kanyang kaibigan. Paalis n asana si Bubuyog nang makita siya ni Paruparo. Tinawag siya nito subalit hindi niya ito pinansin. Walang lingon-likod na nilisan niya ang lugar na iyon. Subalit, hinabol siya ni Paruparo.
                        “Kaibigan Bubuyog, sandal,” tawag ni Paruparo sa kanya.
                        Nilingon niya ito at nakita niyang para na itong malalagutan ng hininga sa pagod dahil sa paghabol nito sa kanya. Sa nasaksihan, napangiti si Bubuyog at nasabi sa sariling: “Hmp, tingnan mo nga naman. May kahinaan din pala siya sa akin,” wika niyang nasisiyahan sa sarili. “Higit pala akong mabilis lumipad kaysa sa kanya.”
                        “Bakit parang Masaya ka ngayon, kaibigang Bubuyog?” tanong ni Paruparo habang habol nito ang hininga nang makalapit na.
                        “A, wala. Ba’t mo naman nasabi?” balik-tanong niya ditto.
                        “Nakangiti ka kasi, eh. Maaari mo bang ibahagi kung ano ang nagpapasaya sa ‘yo, kaibigan?” tanong uli ni Paruparo.
                        “Wala,” saka tinalikuran si Paruparo at mabilis lumipad palayo. “Sandali, hintayin mo naman ako!” narinig pa niyang sabi ni Paruparo.
                        “Hmp, sige, habulin mo ako. Tingnan ko lang kung makakahabol ka,” sabi ni Bubuyog sa sarili at binilisan pa ang paglipad.
                        Nang sa tingin niya’y nakalayo na siya kay Paruparo, tumigil siya at hinintay ito. Subalit, taliwas sa kanyang inaasahan, hindi nangyari ang iniisip niya.
                        Nang hindi niya mahintay si Paruparo, dali-dali siyang bumalik sa pinanggalingan. At doon, nakita niyang nakikipagbiruan si Paruparo sa mga bulaklak na nadaanan nito.
                        “Naku, naggagandahang mga bulaklak, ako’y aalis na at hahabulin ko pa ang kaibigan kong si Bubuyog,” saad ni Paruparo sabay talikod. Nagulat siya nang pagtalikod niyaý naroon si Bubuyog. Napansin niyang mukha itong galit.
                        “O, kaibigang Bubuyog, ‘andyan ka pala. Akala ko iniwan mo na ako,” saka tatawa-tawang lumapit ditto, subalit agad naman siyang tinalikuran nito.
                        “Kaibigang Bubuyog, bakit?” nagtatakang tanong ni Paruparo sa nagging asal ni Bubuyog ngunit hindi siya nito sinagot. “May nagawa ba akong kasalanan sa ‘yo?”
                        “Oo, marami!” pabulyaw na saad ni Bubuyog. “Marami kang kasalanan sa ‘kin,” saad nito nang hindi tumitingin kay Paruparo. “Alam mo bang nakakainis ka na, ha? Bakit, sino ka ba? Kung umasta ka, parang ikaw na lang ang magaling. Bakit, ano ba ang naitutulong mo? Ano ba ang silbi mo? Wala naman, dib a?”
                        “Kaibigang Bubuyog, ano bang pinagsasabi mo?”
                        “Totoo! Lagi na lang ikaw ang magaling!” at hinarap niya ang mga bulaklak na maang na nakatingin sa kanila. “Kayo? Ano ba ang naitutulong nito sa inyo? Pinapatawa? Binibiro? Bakit, sapat ba ‘yon? Wala naman siyang naitutulong sa inyo!”
                        “Kaibigang Bubuyog, tama na!”
                        “Tumigil ka, Paruparo. Totoo naman ang sinasabi ko. Ako, kami ng mga kalahi ko ang higit na nakakatulong sa kanila! Kung wala kami, hindi sila darami. Ikaw, may nagagawa bang gano’n? Wala! Dahil ang alam mo lang gawin ay lumigid-ligid sa kanila at sabihan sila ng kung anu-ano para magiliw sila sa ‘yo. Dahil ang totoo, wala kang silbi!”
                        “Ang sakit mo naming magsalita,” nasasaktang wika ni Paruparo. “Oo nga’t hindi nagagawa ng lahi naming ang kaya ninyong gawin ay wala na kaming silbi. Huwag mong isiping mas mabuti kayo kaysa sa iba. Huwag mong isiping mas nakakatulong ka sa kanila dahil lahat tayo ay nilikha nang may kanya-kanyang tungkuling ginagampanan. Kaya, huwag mong mamatain at mamaliitin ang magagawa namin!”
                        Sa sinabing iyon ni Paruparo ay parang napahiya si Bubuyog sa kanyang sarili. At para mapagtakpan ang pagkapahiya, umalis siya sa lugar na iyon nang lulumo-lumo dahil batid niyang totoo lahat ng sinabi ni Paruparo.
                        Malapit na siya sa may kakahuyan nang bigla na lang siyang nakulong sa isang parang bilog na supot. At ditto, natanto niyang nahuli siya ng mga taong nanghuhuli ng Bubuyog upang makagawa ng pulot (honey). Walang nagawa ang kaawa-awang Bubuyog. Nanlulumo siya dahil hindi man lang siya nakahingi ng tawad sa kanyang kaibigang si Paruparo.    
                       

WAKAS